The Adventures of TIN TIN : Manggagawa, Unyonista, Aktibista
Siya si Christine o Tin Tin sa kanyang mga kasamahan at kaibigan. Balingkinitan, simple, madalas t-shirt, maong at baseball cap ang pormahan. Hindi mo aakalaing ang 23 taong gulang na kababaihang manggagawang ito ay isa sa mga pinakamasigasig at maaasahang lider ng Pepmaco Workers Union (PWU-NAFLU-KMU). Tulad sa unyon, maaasahan ding anak si Tin Tin bilang bread winner ng kanyang pamilya. Panganay siya sa limang magkakapatid.
BUHAY MANGGAGAWA
Araw-araw siyang gumigising nang maaga para maghanda sa pagpasok sa trabaho. Naghahanda para sa isa na namang mahabang araw. Labingdalawang oras kasi siyang magtatrabaho sa pabrika. Pagdating naman sa bahay, agad maglalaba ng uniporme, kakain at matutulog na. Wala na siyang oras para sa iba pang gawain dahil sa sobrang pagod at puyat. Buong linggo siyang nagtatrabaho. Wala rin kasing ibinibigay na “rest day” sa kanila ang management ng Pepmaco.
Ipinapadala ni Christine ang sahod niya sa kanyang pamilya sa probinsya para pantustos sa pag-aaral ng kanyang mga kapatid. Nagtitira lang siya ng kaunting pera para sa kanyang pagkain, pambayad sa bahay, tubig at kuryente. Madalas kulang ang kanyang sahod kung kaya’t napipilitan siyang isanla ang kanyang ATM at tinutubos na lang sa susunod na sahod. Kapag kinapos uli (na madalas din) ay isinasanla niya ito ulit.
BUHAY UNYONISTA, AKTIBISTA
IOHSAD (I): Sa karanasan mo sa welga, ano ang hinding-hindi mo malilimutan?
Christine : Hinding-hindi ko malilimutan ang nangyari noong Hunyo 28, 2019. Walang awa kaming pinagbobomba ng tubig, pinagbabato ng bote at bato at pinagpapalo ng kanilang mga batuta. Dalawa sa aming mga kasama ay putok ang ulo at putok ang bibig. Marami rin sa amin ang sugatan. Karamihan ay mula sa mga kababaihan. Nag-iiyakan na kami at halos magmakaawa na sa mga goons na huwag kaming saktan. Hindi namin inakalang kaya palang gawin ito sa amin ng kapitalista kahit na regular na hanapbuhay lang naman ang aming panawagan.
I : Sa iyong tingin, mayroon bang naging epekto sa kalusugan mo ang matagal na exposure mo sa kemikal sa loob ng pabrika?
Christine : Madalas akong matalsikan sa mata ng mga kemikal na aming ginagamit at direktang hinahawakan ng aming kamay. Hindi ako nawawalan ng ubo at sipon. Nasusunog din ang aming mga balat sa mga chemical na ginagamit sa paggawa ng surfactant. Sa kasalukuyan, ay nanlalabo pa rin ang aking mga mata na maaaring dahil sa mga kemikal na tumatalsik.
I: Bakit ka sumama sa welga?
Christine : Gusto naming mabago ang sistema ng Pepmaco. Ito ay hindi lang namin ginagawa para sa aming mga pamilya kundi para na rin sa lahat ng mga kapwa naming manggagawang kontraktuwal. Gusto rin naming hindi na danasin ng mga bagong manggagawang papasok sa Pepmaco ang aming masahol na pinagdaanan dito.
I : Ano ang motibasyon mo para ipagpatuloy ang inyong laban?
Christine: Ipinapagpatuloy namin ang aming welga para sa aming pamilya at para rin sa lahat ng mga manggagawang kontraktwal sa iba pang pagawaan. Marami na rin kaming nasakripisyo sa laban na ito kaya hindi kami papayag na matalo na lang at hindi ibigay ng management ang mga panawagan namin para sa regular na hanapbuhay, nakabubuhay na sahod at ligtas na pagawaan. Tanging kapitalista rin namin na si Simeon Tiu ang nag-udyok sa amin para magwelga.
Interbyu at teksto ni Fress Sagnip ng IOHSAD. Kontribusyon para sa Usapang OSH, IOHSAD Newsletter
Para sa mga updates sa laban ng mga manggagawa ng Pepmaco, bisitahin ang kanilang Facebook page Pepmaco Workers Union-NAFLU-KMU.