Handa ba ang iyong lugar-paggawa sa COVID-19?

March 10, 2020

Noong mga nakaraang linggo, naglabas ang Department of Labor and Employment ng mga labor advisories hinggil sa COVID-19 (LA No. 04 Series of 2020 at LA No. 09 Series of 2020). Ayon sa Kilusang Mayo Uno, hindi sapat at kulang ang nilalaman ng mga advisories na ito para protektahan ang kalusugan at kaligtasan ng mga manggagawa laban sa COVID-19. Sa ganitong mga kalagayan, kailangang maging mas mapagbantay ang mga manggagawa at tiyaking umaaksyon nang maagap at wasto ang mga kumpanya.

Narito ang tatlong (3) tips para alamin kung handa nga ba ang ating mga lugar-paggawa sa pagharap sa COVID-19. Makatutulong din ang mga tips na ito para tiyaking napangangalagaan ang ating occupational safety and health rights sa gitna ng pagharap natin sa isyu at panganib ng COVID-19.

  1. Alamin kung mayroong ipinapatupad na infectious disease preparedness and response plan ang inyong kumpanya.

Kung mayroon, makipagtalakayan sa kanila tungkol dito. Kung wala naman, makipagtulungan sa kanila para agad na makabuo at makapagpatupad sa lugar-paggawa.

Mahalagang bahagi ng plano ang paglulunsad ng risk assessment sa bawat lugar-paggawa. Ilan sa mga impormasyong kailangang malaman ay ang mga sumusunod:

  • Saan, paano at anu-ano ang maaaring panggalingan ng corona virus exposure ng mga  manggagawa?
  • Mga maysakit na manggagawa o may mataas na risk of infection tulad ng mga health workers na nagkaroon ng unprotected exposure sa mga taong may o suspek na mayroong COVID-19;
  • Indibidwal na mga risk factors ng mga manggagawa tulad ng edad, may dinaranas na health condition at pagbubuntis)

2. I-monitor kung nagpapatupad ang management ng iba’t ibang workplace controls kaugnay ng COVID-19. Mag-demand sa management na magpatupad ng basic infection prevention measures sa mga lugar-paggawa.

Sa kaso ng COVID-19, hindi maaaring magamit ang elimination na siyang pinakaepektibong pamamaraan ng pagkontrol sa mga panganib sa lugar-paggawa. Kaya maaaring gamitin ang mga natitirang pamamaraan ng pagkontrol tulad ng engineering, administration, personal protective equipment o kumbinasyon ng mga ito para makatulong sa pangangalaga ng kalusugan at kaligtasan ng mga manggagawa sa lugar-paggawa.

ENGINEERING CONTROL

  • Ito ang uri ng kontrol na hindi lang nakaasa sa pagsasagawa ng pag-iingat ng mga manggagawa. Ilan sa maaaring gawin ay ang mga sumusunod:
  • Tiyaking maayos ang bentilasyon sa loob ng lugar-paggawa.
  • Paglalagay ng mga high-quality air filter sa lugar-paggawa at pagtitiyak na lagi itong malinis.
image from https://www.brooklynfan.com/how-to-prevent-issues-with-your-industrial-exhaust-fans/

ADMINISTRATIVE CONTROL

  • Ito ang uri ng kontrol kung saan nagpapatupad ng mga patakaran at/o pagbabago sa pamamahala sa lugar-paggawa para mabawasan ang pagkalantad ng mga manggagawa sa panganib.
  • Maglunsad ng mga talakayan, information awareness campaign hinggil sa COVID-19 at kung paano ito maiiwasang kumalat sa mga lugar-paggawa.
  • Magkaroon ng sistema para sa maagap na pagsagot sa mga tanong at mungkahi tungkol sa pag-iwas at pagpigil sa paglaganap ng COVID-19 sa lugar-paggawa.
  • Magpatupad ng mga safe work practices tulad ng palagian at maiging paghuhugas ng kamay, pagtitiyak na laging may suplay ng tubig, sabon, alcohol sa lugar-paggawa. Panatilihing malinis ang lugar-paggawa. Regular na i-disinfect ang mga kagamitan sa loob ng lugar-paggawa tulad ng keyboard, telepono, makina o mga bagay na laging hinahawakan tulad ng handrails, door knobs at iba pa.
  • Tiyaking sumusunod ang kumpanya sa pagbibigay ng nararapat na health personnel at facilities na makatutugon sa pangangailangang medikal ng mga manggagawa. Tingnan ang probisyong nakasaad sa Chapter IV. Section 15 ng D.O. 198 o Implementing Rules and Regulations of RA 11058 (OSH Law).

         PERSONAL PROTECTIVE EQUIPMENT

  • Tandaan na ang angkop at wastong paggamit ng PPE ay makatutulong sa pag-iwas sa exposure sa hazard ngunit hindi pa rin nito dapat pangibabawan ang iba pang pamamaaraan ng pagkontrol sa panganib na nabanggit sa itaas.
  • Ilang halimbawa ng PPE ay ang mga sumusunod: goggles, face masks, gloves at iba pa. Kailangan alamin ang nararapat at angkop na PPE para sa partikular na kondisyon ng bawat lugar-paggawa.
  • Ayon sa Section 29 ng RA 11058 o Prohibited Acts and its Corresponding Penalties, may multang P50,000 ang kompanyang mapatutunayang hindi nagbibigay ng libre at angkop na PPE sa mga manggagawa. Sisingilin ito araw-araw mula sa petsa kung kailan nagbigay ng notice of violation hanggang sa araw na mag-comply na ito at nagpamahagi ng libre at angkop na PPE sa mga manggagawa.
  • Kailangang regular na imonitor ang tamang pagsusuot o paggamit ng mga PPE at napapalitan kung kinakailangan.

3. Igiit sa kumpanya ang pagbibigay ng karagdagang leave with pay labas sa existing sick at vacation leaves. Ang dagdag na paid leaves ay makatutulong para sa ibayong pag-iingat at pag-iwas sa pagkalat ng COVID-19.

Maaaring magpaabot ng sulat o petisyon sa management hinggil dito at magsagawa ng pag-uusap para talakayin ang usaping ito. Pagkaisahin ang mga manggagawa para sama-samang igiit ang pagtatamasa ng nararapat na mga benepisyo at tulong sa gitna ng pagharap ng bansa sa COVID-19.

Bukas ang IOHSAD sa inyong mga tanong, mungkahi o pagbabahagi ng karanasan kung paano nag-iingat at nagpapatupad ng mga hakbang sa pag-iwas sa pagkalat ng COVID-19 sa inyong mga lugar-paggawa. Maaari ninyo kaming i-email sa iohsadph@gmail.com, ilagay sa subject ang Fighting COVID-19 in Workplaces. Maaari ninyo rin kaming padalhan ng mensahe sa aming Facebook accounts Iohsad Phils at Iohsad Philippines.

Lagi nating tandaan na anumang usaping pangkalusugan at pang-kaligtasan sa lugar-paggawa ay kayang-kayang malagpasan sa pamamagitan ng mulat, sama-sama at organisadong pagkilos ng mga manggagawa.